Di ko alam kung ano ang iisipin ko habang pinapanood ko ang pag-anunsyo sa desisyon ng Supreme Court sa kaso ng Visconde masacre. Acquitted daw ang mga akusado at palalabasin na mula sa pagkakakulong.
More than 15 years ko rin itong sinusubaybayan at noong una pa, maski wala pa akong mga anak noong panahong nangyari ang isa sa karumal-dumal na krimen sa bansang Pilipinas, 'ramdam ko na ang pait, ang bigat at pagkadurog ng puso ni Mang Lauro Visconde.
Isa akong ama. Sa mga panahong lumalaki ang aking mga anak, maraming beses pumasok sa aking isipan ang mga eksenang inilarawan at nailarawan tungkol sa Visconde masacre. May mga panahong binabanggit ko sa aking asawa ang bigat at sakit ng pakiramdam ng isang amang ninakawan ng buhay ng mga mahal sa buhay. Di ko kayang ilarawan ang pakiramdam na ito. Ang alam ko, dinudurog ang aking puso sa tuwing naiisip ko ito at mukha ng aking pamilya ang narito.
Habang pinapanood ko si Mang Lauro na punong puno ng hinagpis sa naging desisyon ng korte, nakikita ko ang mukha ng ating mga kapwa Pilipinong hikahos at biktima ng injustices sa ating bansa. May mapapala pa ba sila?
Naisip ko pa: ano ba talaga ang kulay ng hustisya sa ating bansa? May ibang kulay nga ba ito?
Katulad ba ito ng mga naghahabulang christmas lights sa chrismas tree na nasa aking tabi? Iba-ibang kulay ang lights na narito. Ngunit agaw pansin ang isang bumbilyang di sumisindi.. Ahh... itatago ko na lang sya sa mga berdeng dahon ng aming christmas tree. . . sana umilaw uli ito bago magpasko.
Sana.
No comments:
Post a Comment